Home

Saturday, September 26, 1998

Ang Mamatay nang Dahil Sa Iyo

Taliba
Saturday, September 26,1998
By Conrado Ching

TULAD ng kapitan ng isang barko, dinibdib ng binatang si Fortunato Bautista, 26, empleyado ng Philippine Airlines (PAL) ang pagsasara ng kanilang kumpanya. Sa pagkamatay ng PAL ay kasama rin siyang binawian ng buhay.

Si Bautista, master mechanic "c" na nakatalaga sa PAL airport ground equipment maintenance deparment ay namatay sa atake sa puso makaraang malaman ang malungkot na balita tungkol sa pagsasara ng PAL dakong ala-1:30 ng madaling-araw noong Huwebes.

Ayon kay Donato Duran, Pinuno ng Airport Equipment Maintenance Department at superior ni Bautista, inatasan niya ang lahat ng kanyang mga tauhan na pumasok sa trabaho sa kabila ng balitang pagsasara ng airline company.

Isang masunuring empleyado, tinangkang pumasok ni Bautista para sa shift na mula alas-4:00 ng hapon hanggang hatinggabi noong Miyerkules taglay ang pangambang mawawalan siya ng hanaphuhay.

Umalis si Bautista ng kanilang bahay makaraang mananghali upang pumasok. Habang nagmamaneho siya ng kanyang owner-type jeep, bigla na lamang siyang nakaramdam ng paninikip ng dibdib sa may C-5 road.

Mabilis na ipinarada ni Bautista ang kanyang jeep sa tabing-daan, pumara ng isang taxi at nagpahatid sa pinakamalapit na ospital, ang San Juan de Dios Hospital.

Pinanatili si Bautista sa ospital upang ganap na masuri subalit hindi naman siya nagpahinga at nang hatinggabi na ay patuloy pa rin sa pagmonitor ng negosasyon sa pagitan ngg PAL management at ng unyon sa Century Park Sheraton Hotel.

Nang marinig niya sa radyo na magsasara na ang kompanyang matapat niyang pinaglingkuran sa loob ng siyam na taon, inatake sa puso si Bautista at agad namatay.

No comments:

Post a Comment