Home

Monday, September 21, 1998

Ang Pagpanaw ng PAL

Kabayan
Monday, September 21, 1998
Dilim at Liwanag
By BLAS OPLE

Sa hatinggabi ng Setyembre 23, ang mga Pilipinong biyahero ay ganap na mauulila kung matutuloy ang nakatakdang pagsasara ng Philippine Airlines (PAL). Ang kauna-unahang kompanya ng eroplano sa Asya ay lumubog sa kalugihan na dulot, sa isang banda, ng krisis pinansyal sa Asya at sa masalimuot na problema sa pagitan ng tagapamahala nito at sa hanay ng mga manggagawa.

Sa nakalipas na limampung taon, tanging ang PAL ang namamayagpag sa mga himpapawid ng Pilipinas. Ang PAL ay naging simbolo na ng ating kabansaan sa paghahatid nito paroo't parito ng mga Pilipinong manggagawa sa ibang bansa, mga dayuhang turista, at mga negosyante. Tanging PAL ang nag-uugnay sa pinakaliblib na pook ng Pilipinas at sa mga sentro ng pamahalaan at komersyo. Hindi maliit ang kontribusyon ng PAL sa naghahabi ng pambansang pagkakabuklod ng diwa at kulturang Pilipino. Dahil sa PAL, napabilis at napadalas ang pakikisalamuha ng mga Pilipino sa kapwa Pilipino, bagay na nakatulong upang unti-unting mabuo ang pambansang pagkakaisa.

Sa mga paliparan sa ibang bansa na siniserbisyuhan ng PAL, hindi iilang manlalakbay na Pilipino ang namuo-muo ang luha sa magkahalong lungkot at galak kapag nakita nilang lumalapag na ang isang eroplanong nagtataglav ng pula, asul, at puting 'logo' ng PAL, na siyang sumasagisag sa bandila ng Pilipinas. Ang PAL, bilang 'national carrier' ay nagpapaalala ng "tahanan" at gumigising sa “patriotic fervor” nating mga Pilipino.

Sa pagsasara ng PAL, magkakaroon ng malaking puwang sa papawirin ng Pilipinas. Mahirap at matagal bago muling mapunan ang puwang na ito. Bagamat marami na ang nagsulputang kompanya ng eroplano dahil sa liberalisasyon ng industriyang panghimpapawid, hindi basta-basta mapapantayan ang mga nagawa ng PAL sa kabuhayan ng maraming Pilipino partikular na sa kontribusyon nito sa industriya ng pagbibiyahe.

Nakalulungkot isipin na sa ganitong kritikal pang panahon mawawalan ng sasakyang panghimpapawid ang Pilipinas. Sa mga nakalipas na araw ay naging tagasubaybay tayo habang ang mga problema ng PAL ay binubusisi sa pambayang tanghalan. Ang pag-aaklas ng mga empleyado nito, na pinaniniwalaang siyang huling tarak ng balaraw na kumitil sa buhay ng PAL, ay nag-iwan ng mapait, ngunit nagtuturong Ieksyon. na dapat pag-aralan at isa-isip ng administrasyong Estrada. Maraming argumento ang lilitaw habang ating ipinagluluksa ang pagpanaw ng PAL ngunit dapat unahin kung ano ang magagawa upang maagaw ito sa hukay ng libingan.

Hindi dapat magdalawang isip ang pamahalaan na pangasiwaan pansumandali ang pagpapatakbo ng PAL upang mapangalagaan ang pambansang interes. Ang ating Saligang Batas ay hindi lumpo sa bagay na ito. Sa Seksiyon 17, Artikulo XII, ay ganito ang itinadhana:

"Ang Estado, sa mga panahon ng pambansang kagipitan, kapag kinakailangan ng kapakanang pambayan, ay maaaring pansamantalang mangasiwa o mamatnugot sa pagpapalakad ng anumang pambayang utility na yaring pribado o negosyong kinapapalooban ng kapakanang pambavan, habang umiiral ang kagipitang pambayan at sa ilalim ng makatwirang mga terminong tatagubilin nito."

Dahil dito, nakatakda kong iharap sa Senado sa araw na ito ang isang Resolution na humihiling sa pamahalaan na pansumandaling pangasiwaan ang pagpapatakbo ng PAL habang hindi natatapos ang krisis pinansyal na bumabagabag sa Asya at hanggang maibalik ang pamamahala sa mga prihadong may-ari.

Sa ganito ay maiiwasan ang nakaambang pagkawasak at paralisis ng transportasyong panghimpapawid ng ating bansa. Ang pagsasaalang-alang ng pambansang kapakanan ay nangangahulugan din ng patuloy at taimtim na pag-uusap sa paghahanap ng pamamaraan kung papaanong maisasaayos ang gusot sa pagitan ng mga tagapamahala ng PAL at mga manggagawa nito. Hindi lamang ang ating ekonomiva ang nakataya. Kung hahayaan nating tuluyang magsara ang PAL, ang reputasyon ng Pilipinas sa mata ng mundo ay mabahahiran at tayo'y malalagay sa isang madilim at masikip na sulok kapag tuluyang pumanaw ang PAL.

No comments:

Post a Comment