Home

Tuesday, September 22, 1998

Kung Magsasara ang PAL

Diario Uno
Monday, September 21, 1998
Opinyon
Editoryal

LIKHA ng panibagong gusot sa pagitan ng unyon ng mga empleyado ng PAL at ng kompanya, inihayag ng management ang pagtigil ng operasyon simula sa Setyembre 23.

Buntot ito ng mga naunang problema, ng di pagkakaunawaan ng magkabilang panig. Naging sanhi ng pag-aaklas ng PAL Employees' Association (PALEA) at ganap na natigil ang paglipad ng mga eroplano ng kompanya.

Ngunit nang inaakalang lutas na ang gusot, nahanapan na ng solusyon at nakabalik na sa normal na operasyon ang pagseserbisyo ng PAL, hindi pa pala. At ngayon, mukhang mas bumigat pa ang problema. Nagbunsod sa pangasiwaan ng desisyon na isara na lang ang airline.

Ang kuwestiyon, sa alok ng PAL na ipagkaloob sa mga empleyado ang 20 porsiyento ng pag-aari sa kompanya. Sapat ito upang ang unyon ay makapaglagay ng tatlo sa 15 kumakatawan sa board of directors ng PAL. Ngunit kapalit, hiningi ng kompanya ang 10 taong suspensiyon ng collective bargaining agreement (CBA).

Katwiran ng pangasiwaan, gayong bilang ng mga taon ang kailangan upang makabangon sa pangungulugi ang kompanya. At mangyayari lang ito kung sa gayong haba ng panahon ay magkakaroon ng tuluy-tuloy at patag na operasyon.

Pero marami ang mahigpit na tutol sa suspensiyon ng CBA. Ilegal umano ito, mababalewala ang karapatan ng mga manggagawa.

May palagay rin na ang desisyong isara ang PAL ay taktika lang ng pangasiwaan upang mapilitan ang mga empleyado na tanggapin ang alok nito.

Anuman, lubhang nakababahala ang kaguluhang ito sa isa sa pinakamalalaking korporasyon dito sa ating bansa. Hindi ito isang simpleng kaso ng pagsasara ng isang kompanya likha ng pangungulugi.

Ang PAL ay siyang nagsisilbing "flag carrier" ng ating bansa. Magiging isang batik sa pambansang dignidad kung magsasara lalo at sa mga kadahilanang mahirap pangatwiranan.

Libu-libong empleyado ang tuwirang mawawalan ng hanapbuhay. Ang mga piloto at iba pang tauhan sa mga teknikal na kaalaman na ginastusan ng kompanya sa mga pagsasanay, malamang ay mga dayuhang airline ang makinabang.

Maraming lokal na banko na pinagkakautangan ng PAL ang tatamaan. Lalong magpapataas sa persentahe ng tinatawag na non-performing loans ng mga ito. Nakaugnay rito ang may $2 bilyong pagkakautang sa mga institusyong pinansiyal dito at sa labas ng bansa, na nais ng PAL na ihingi ng panibagong iskedyul ng pagbabayad.

Masasaktan din ang pinakamalalaking pinansiyal na institusyon ng pamahalaan. Ang Government Service Insurance System halimbawa ay naghahawak ng 150 shares ng PAL. Ang Land Bank of the Philippines, 75 milyon. Ang Philippine National Bank, 50 milyon. Ang Development Bank of the Philippines, 49 milyon. Pati ang problemado nang AFP-Retirement Services and Benefits System, damay, may 33 milyong sapi sa PAL.

Hindi biru-birong bigat ang madaragdag sa balikat ng dapa nang ekonomya kung matutuloy na magsara ang PAL.

Ngunit kung bakit hindi magkita sa isang kompromisong katanggap-tanggap sa magkabilang panig ng Palea at ang pangasiwaan ng PAL, mandi'y sa paniniwala ng mga kinauukulan na hindi tutulutan ng gobyemo na mamatay ang kompanya. Dahil talagang malaki ang natataya.

Tuwiran na ngang nakialam ang Pangulong Estrada sa problemang ito. "Gagawin ko ang lahat ng magagawa ko para huwag magsara ang PAL," sabi niya.

Ngunit maaaring ang magawa lang ng Pangulo ay maging reperi upang makabuo ng bagong kasunduan ang magkabilang panig. Bangkarote ang gobyemo. Walang kakayahan upang makatulong sa pinansiyal na dalahin ng PAL.

Isang bagay na may malaking maitutulong upang maresolba ang problemang ito kung hindi papanaigin ng magkabilang panig ang pride at makasariling interes.

No comments:

Post a Comment