Home

Friday, September 25, 1998

KuPAL Ulit

Diario Uno
Thursday, September 24, 1998
Indio Bravo
By Argee Guevarra

SA galit at inis ng sambayanan sa pagsasara ng Philippine Airlines, mayorya ng mga komentarista ang nagbubunton ng sisi sa mga kawani nito, partikular na sa mga unyon ng PAL tulad ng ALPAP (unyon ng mga piloto), FASAP (flight attendants) at PALEA (rank-and-file).

Tampok sa kanilang walang humpay na pagbatikos ang teorya na ang mga unyon ang may kasalanan kung bakit napilitan si Lucio Tan na itiklop ang operasyon ng kauna-unahang airlines sa buong Asya. Itinuturo nito ang umano'y sobrang pagmamatigas ng mga unyon sa kanilang kahilingan.

Lumalabas tuloy na iniisip lamang ng mga unyon ang makikitid at sakim nitong interes sa halip na tulungan si Kapitan (bansag kay Lucio Tan) upang maibangong muli ang Iuging-lugi at baon-sa-utang na kompanya. Marami tuloy nakumbinsi na ang pagmamatigas ng mga unyon ang tanging dahilan kung bakit naihatid na sa huling hantungan ang PAL.

Bagamat tanggap ng lahat na may pagkukulang din ang mga unyon hinggil sa naganap na pagsasara ng PAL, hindi maaaring sabihing ang mga ito ang puno at dulo ng problema. Samut-sari ang sirkumstansiya kung bakit humimlay na ang PAL.

Unang-una rito ang katangian nito bilang dambuhalang kompanya na ang ilang libong kawani ay labis sa tunay na pangangailangan upang epektibo at episyenteng mapaglingkuran ang mga naglalakbay sakay ng PAL. Hindi ito kagagawan ng mga manggagawa kundi ng management na siyang nagtatakda ng mga atituntunin at patakaran hinggil sa pagkuha ng mga empleyadong kailangan ng kompanya.

Kung sinobrahan nila ang pagtanggap ng mga empleyado, responsibilidad ito ng pangasiwaan. Alam naman nila ang mga tungkulin sa mga manggagawa ayon sa ating batas. Kung nagpasok sila nang sobra, dapat punuan ang mga pangangailangan ng bawat empleyado. Hindi magiging problema ang pagtatanggal kung hindi nagpapasok nang sobra ang kompanya.

Hinggil naman sa pagkalugi at pagkabaon sa utang ng PAL, maliwanag na walang kinalaman dito ang mga unyon. Unang-una, kung maganda ang pagpapatakbo ng PAL, kung mahusay ang mga tagapangasiwa nito sa negosyo, hindi dudulas sa pagkalugi ang kompanya. Kung baga sa basketbol, nasa management ang bola kung paano ididribol para makabuslo ng kita. Sa kasamaang-palad, sa simulaa't sapul pa lamang ay puro bano at pulpol ang nagpapatakbo ng PAL.

At hinggil sa pagkabaon sa utang ng kompanya, aba, hindi naman ang mga unyon ang nangungutang kundi ang pangasiwaan, di ba? Kaya bakit sisisihin ang mga unyon sa isang patakarang utang-dito-utang-doon? Utang ng mga nagpasyang umutang pero gusto yatang pagbayarin ang mga rnanggagawang wala namang kinalaman sa mga transaksiyong iyon.

Ipinamumukha rin ng mga kampon ni Kapitan na pawang mga ganid at balasubas ang mga unyon kaya hindi marunong makisama at magmalasakit ang mga miyembro nito sa lahat ng planong ibangon ang kompanya dahil sa walang-tigil na paghingi ng taas sa sahod ng mga unyon.

Ang ganitong akusasyon ay walang batayan at kontra sa katotohanan. Nang sumiklab ang welga ng ALPAP noong ika-5 ng Hunyo, 1998, hindi naman ito bunga ng paghingi ng mga piloto ng taas sa suwetdo. Ito ay bunga ng karakarakang pagtatanggal sa trabaho at panggigipit sa mga miyembro nito.

Hindi salapi ang hiling ng mga piloto kundi seguridad sa trabaho. Seguridad na napatunayang segurado lamang sa pagtatanggal ng mga piloto sa trabaho.

Ikaila man ng mga tauhan ni Lucio Tan, iisa lang naman ang adyenda niya sa PAL. Ito ay ang pagdurog sa mga unyon. Matagal na niyang plano ito alinsunod sa Rehabilitation Program ng kompanya na paliitin nang husto. Sipain ang mga di-kailangan at di-produktibong kawani.

Bagamat tanggap na ito ay isang prerogatiba ng management na sinang-ayunan naman ng mga unyon. Ang hiling lang ng mga unyon ay isagawa ang rehabilitasyon matapos mapag-isipang mabuti upang mapangalagaan naman ang interes ng mga mawawalan ng trabaho. Hindi iyong uraurada't walang paggalang sa mga batayang karapatan — at benepisyo — ng mga tatanggalin.

Subalit ang hiling na ito ay hindi man lamang kinilala at pinahalagahan ni Kapitan. Ang welga ng mga piloto noong Hunyo ay ginamit na dahilan para magtanggal ng humigit-kumulang sa 5,000 pang manggagawa — 3,200 miyembro ng PALEA at 1,400 ng FASAP — ang kanyang sinagasaan na ala-hit-and-run.

Sa ganitong sitwasyon, hindi naman maaaring kagatin na lamang ng mga unyon ang tratong aso sa kanila ni Kapitan. Ipinarating nila ang kanilang daing subalit ang sagot ni Kapitan ay pananakot—na kung hindi raw sasang-ayunan ng unyon ang mungkahi nitong suspindihin ang CBA (na tanging dokumentong nagbibigay ng proteksiyon sa rnga manggagawa sa PAL) sa loob ng sampung taon ay isasara lamang ang kompanya.

Siyempre, hindi tinanggap ng mga unyon ang mungkahi ni Kapitan dahil ang mungkahing ito ay siyang papatay sa unyonismo ng PAL. Ang unyonismo na tanging takbuhan ng mga kawani sa kompanya laban sa mga kontra-manggagawang patakaran ni Lucio Tan.

No comments:

Post a Comment