Home

Saturday, September 26, 1998

Mga Piloto ng PAL, Idinemanda ni Tan

Kabayan
Saturday, September 26, 1998

Nagsampa ng P100-milyong libel suit noong Huwebes si Philippine Airlines (PAL) Chairman Lucio Tan laban sa Airline Pilots Association of the Philippines (ALPAP), spokesman nito, English broadsheet Philippine Daily Inquirer (PDI) at ang reporter nito dahil sa paninirang-puri sa kanyang pangalan at reputasyon bilang isang kilalang negosyante.

Ang reklamo ay batay sa istoryang pinamagatang "Tan's firms made P25 billion as PAL bled," at editorial cartoon na nagpapakita na diumano'y sinadya ni Tan ang pagkalugi at pagsasara ng national flag carrier habang kumikita naman siya sa kanyang negosyo sa PAL.

Kabilang sa sinampahan ng kaso ay si Florencio Umali, spokesperson ng ALPAP, at Armand Nocum, reporter ng PDI.

Ang istorya ni Nocum ay batay sa mga pahayag ni Umali sa isang press conference ng ALPAP. Sa istoryang ito ni Nocum, nakasaad dito ang maraming alegasyon at paninirang-puri ng ALPAP spokesperson laban kay Tan.

Kasama rito ang sinasabing "kinita ni Tan mula sa PAL related deals na mabawi diumano nito ang kanyang pagkalugi ng P10.36 bilyon mula sa kanyang 70 percent equity sa PAL" sa kabila nang napaulat na pagkalugi nito

Ayon pa kay Umali, kumita diumano si Tan ng P3.93 bilyon bilang komisyon mula sa 12 aircraft leasing firms sa Japan at Hongkong.

Sa reklamong isinampa ng abogado ni Tan, sinabi ng PAL Chairman na ang nasabing balita ay "paninirang puri lamang sa kanyang pangalan at reputasyon na kanyang iningatan sa loob ng mahabang panahon sa larangan ng negosyo sa Pilipinas."

Ayon sa abogado ni Tan, may malisya ang pagkakasulat at pagkakalathala ng istoryang na ito dahil "alam ng nasasakdal na ang bintang na ito ay walang katotohanan na siyang naging dahilan ng biglaang paglalathala nang hindi inaalam kung may katotohanan nga o wala ang bintang na ito."

Labis na dinamdam ni Tan ang bintang at paninirang puri sa kanyang reputasyon, naging dahilan ng kanyang paghihinagpis at labis na pag-iisip, nararapat lamang na magbayad nang hindi bababa sa P100 milyon ang ibayad ng mga nasasakdal sa perwisyong idinulot nito sa kanya.

Nakiusap din si Tan sa korte na kailangang magbayad din nang exemplary damages ng hindi bababa sa P18 milyon dahil sa pagiging pabigla-bigla at pagwawalang-bahala sa kanyang karapatan at P2 milyon bilang attorney's fee at litigation expenses.

Samantala, sinabi ng Credit Agricole Indosuez (dating Banque Indosuez) na walang katotohanan ang mga naunang alegasyon ng ALPAP na nagtayo si Tan ng 12 dummy firms sa Japan, France at Hongkong upang makaligtas sa pagbabayad ng buwis.

Ang Credit Agricole Indosuez ay siyang head ng Asian Aerospace Group na sinasabi ng Alpap na isang dummy o front para sa mga financing activities ni Lucio Tan.

"Credit Agricole owns all those companies to hold title to the aircraft which is the security of the various lenders. They are not dummy firms, they are registered and functioning business entities engaged in aircraft lease transactions. Mr. Tan has absolutely no shareholding and receivables and no dividends from these companies," sabi ni Frederic Mireur ng Credit Agricole.

No comments:

Post a Comment