Home

Wednesday, September 23, 1998

PAL Isasalba ni Erap

Diario Uno
Tuesday, September 22, 1998
By Imelda Batalla and Fidel Jimenez

HANDANG ipagkaloob ni Pangulong Estrada sa PALEA ang isang board seat sa PAL na kontrolado ng gobyerno upang huwag tuluyang magsara ang national flag carrier ng bansa bukas.

Tiniyak ito ni Estrada bilang kapalit ng 10 taong suspensiyon ng Collective Bargaining Agreement (CBA) ng PALEA bilang karagdagan sa profit sharing na makukuha ng unyon.

"Mayroon silang profit sharing sa kompanya at may tatlong board of directors. Inaalok ko pa ang isang board seat para maging apat na," pagtitiyak ni Estrada.

Aniya, ang labor ay may karapatan ding ipaglaban ang kanilang karapatan at part na ring ipinaglaban ang mga Ito.

"Ang labor ay may karapatan din, dahil kung may apat na board seats ay mapapangalagaan din ang kanilang karapatan," dagdag niya.

Samantala, kinatigan ng Pangulo ang naging desisyon hinggil sa kasunduang nais ng may-ari na si Lucio Tan at ang management.

Nilinaw niyang hindi siya basta pumapabor sa kapitalista (Tan) pero dapat malaman ng mga miyembro ng PALEA kung ano ang tunay na kalagayan ng ekonomya ng basa.

Iginiit pa niya na ang sariling kapakanan lamang ang iniisip ng PALEA partikular ang mga labor leader na idinadamay pa ang mga miyembro na pumanig sa maling prinsipyo.

Aniya, dapat magkaroon ng referendum hindi lamang sa panig ng mga labor leader kund hindi ng buong kasapian upang ganap na malaman kung gusto ng mga empleado ang ino-offer ng management.

Nilinaw niya na ang kapakanan nila (miyembro) ay nakasalalay hindi lamang sa aksiyon ng mga labor leader.

“Napagkasunduan namin (referendum agreement) na hindi dapat ang mga labor leaders lang o mga board of directors ng PALEA ang kailangan kundi ang buong kasapian dahil kapakanan nila dito ang nakasalalay at hindi ang kapakanan ng mga labor leader. Kaya kailangan ay magkaroon ng referendum,” anang Punong Ehekutibo.

Iginiit naman ni Felimon Lagman, Tagapangulo ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), na hindi kailangang isuko ng isang unyon ang CBA dahil ito ang “esensiya ng unyonismo.”

Ngunit nanindigan pa rin si Estrada na balewala ang ipinaglalaban nilang karapatan kung sarado na ang PAL.

“Ano ang isusuko nila kung sarado na ang Philippine Airlines? Ano pa ang isusuko nila? Ano pa ang karapatan kung sarado na?” ani Estrada.

Iminungkahi naman ng Kongreso na ipagbili ng pamahalaan sa unyon ang sapi nito sa PAL.

Ayon kay Albay Rep. Joey Sarte Salceda (LAMP), Vice Chairman ng Trade and Industry Committee, kailangan ding magsakripisyo ng gobyerno para maisalba ang flag carrier ng bansa.

“Isang maliit na pagsasakripisyo ng pamahalaan sa paraan ng pagbebenta ng government shares sa PAL ang maaring maging solusyon sa problema ng PAL,” anang solon.

Sinabi ng mambabatas na 21.5 porsiyentong shares ng pamahalaan sa PAL ay maaring ibenta ng pahulugan sa PALEA hanggang matapos ang kasunduan ng unyon at ni Lucio Tan na 10 taong walang CBA.

Nakapaloob sa offer ni Tan ang pagkakaloob ng 20 porsiyento ng PAL shares sa unyon at tatlong upuan sa Board.

Dahil tinanggihan ng board of directors ng PALEA ang alok, kailangan hingin ang posisyon ng buong miyembro ng unyon sa pamamagitan ng referendum.

Sinabi ni Salceda na kung tatanggapin ng pamahalaan ang kanyang mungkahi, magkakaroon ng anim na upuan sa Board ang unyon na higit na malaki sa alok ni Tan.

“Sa sitwasyon ngayon ng unyon at management, tanging ang pamahalaan lamang ang makapagbibigay ng solusyon kung mabibigo ang referendum,” anang solon.

No comments:

Post a Comment