Home

Tuesday, September 22, 1998

PAL Balak I-takeover ng PAF

Abante
Tuesday, September 22, 1998

Opisyal na inirekomenda kahapon ni Defense Sec. Orlando Mercado kay Pangulong Joseph Estrada na agarang ilipat sa Philippine Air Force (PAF) ang vital operations ng Philippine Airlines (PAL).

Sa kanyang rekomendasyon, binigyan-diin ng kalihim na ang napipintong pagsasara ng PAL bukas ay isang "potential emergency situation" na hindi dapat ipagwalang-bahala ng pamahalaan.

"This is a major concern which will require the concerted efforts of all government agencies to cushion its impact on the economy and security of the country," ani Mercado.

Ilan sa mga 'vital operations' na inirekomenda ng kalihim na ipaako sa PAF ay ang currency at mail runs at ang missionary routes ng flag-carrier sa mga Iiblib at non-profitable destinations.

Kahapon ay hiniling din ng mga senador sa Pangulo na pansamantalang i-takeover ng MalacaƱang ang operasyon ng PAL habang hindi pa nasosolusyunan ang pagsasara nito.

Maging ang mga miyembro ng oposisyon ay umaapela kay Estrada na isalba ang PAL, kahit 'temporary basis' lamang upang hindi tuluyang malumpo ang transportasyon sa malalayong lalawigan ng bansa.

Go, Go, Go sa Air Phils.

Bilang preparasyon naman sa malaking kawalan sa napipintong 'close down' ng PAL bukas, pinayagan ng Air Transportation Office (ATO) na muling makalipad ang dalawang 'grounded' na eroplano ng Air Philippines upang makatugon sa nakikitang krisis.

Gayunpaman, nilinaw ni Transportation Asst. Sec. at ATO chief Capt. Jacinto Ortega Jr. na nakatugon sa aviation safety standards ang dalawang eroplano kaya nila ito inisyuhang muli ng air carrier operating certificate at sekondarya na lamang na dahilan ang PAL closure.

Matatandaang sinuspende ng ATO ang operasyon ng lahat ng eroplano ng Air Philippines dahil sa kabiguan nitong makapasa sa safety standards na nakapaloob sa aviation law ngunit napatunayan umano  na nasa ligtas na kondisyon ang dalawang eroplano nito matapos sumailalim sa 'partial compliance stage'.

Erap 'nanikluhod' sa PAL

Personal namang naki-usap ang Pangulo kay business tycoon Lucio Tan, Presidente ng PAL, na irekonsidera ang desisyong isara ang official flag-carrier dahil malaking dagok ito sa ekonomiya at transportasyon ng bansa.

Sa kauna-unahang pagkakataon ay nagkausap sa telepono ang dalawa matapos ihayag ni Tan ang PAL closure nitong nakaraang linggo.

Dito ay inamin ng huli na wala sa kamay niya ang pagpapasya kundi itinulak lamang siya ng mga lider ng unyon para gawin ang masakit na hakbang.

"Naninikluhod akong nakikiusap sa kanila (union leaders and members), isipin nilang mabuti na magkasundo na ang management at ang ating manggagawa," apela ng Pangulo.

Hiniling din nito sa mga lider ng tatlong labor unions ng PAL na pakinggan sa pagkakataong ito ang boses ng nakakaraming miyembro at huwag ang personal nilang interes ang pairalin, alang-alang sa kapakanan, hindi lang ng kompanya kundi ng sambayanang Filipino.

"Ano pa ang CBA kung wala nang kompanya, makakain ba ang CBA," diin ni Estrada.

Matatandaang tinalikuran ng unyon ang alok ng management na 20% profit sharing, P3 bilyong equity at tatlong upuan sa board of directors. "In-offer ko pa nga ang isang board seat para maging apat na, nagkapirmahan noong nakaraang Linggo, nag-agree... kinabukasan binago nila ang posisyon, umayaw na," dagdag ng Chief Executive. (C delos Santos/BJadulco/  MCabreros/OOsorio/ Rey Marfil)

No comments:

Post a Comment