Home

Sunday, September 20, 1998

Erap Wala Nang Magagawa sa PAL

Abante
Saturday, September 19, 1998

Inamin kahapon ng management ng Philippine Airlines (PAL) na wala nang magagawa maging ang pamahalaan ni Pangulong Joseph Estrada para maisalba ang naghihikahos na airline company at baguhin ang nauna nang anunsyo sa pagsasara ng operasyon nito sa Setyembre 23.

Ito ang binigyang linaw ni PAL Executive Vice President Manolo Aquino ukol sa usapin na posible pang magbago ang isipan ni PAL Chairman Lucio Tan at bawiin ang “notice of closure” na isinumite nito sa Department of Labor and Employment (DOLE).

Pinal na

Aniya, pinal na ang desisyon sa pagsasara ng PAL at kahit magkaroon ng kumpromiso sa magkabilang panig ay hindi na rin ito magiging dahilan upang bawiin ang nauna nang pasya.

“Everything has been put in place, all departments had been advised to do the procedure of closing,” wika pa ni Aquino.

Tapos na umano ang mga araw para magcompromise dahil makailang beses na ring naisantabi ang mga kasunduan sa pagitan ng management at PAL unions.

Sinabi ni Aquino na ang pagwewelga ng Airlines Pilots Association of the Philippines (ALPAP) noong Hunyo na sinundan ng Philippine Airlines Employees’ Association (PALEA) ay nagkaroon ng malaking epekto sa PAL para malugi nang mahigit sa P40 M kada araw.

Sakaling matuloy ang pagpapasara sa PAL sa Setyembre 23, mahigit sa 7,000 emplyedo ng flag-carrier ang mawawalan ng trabaho.

Bagong airlines itatayo

Sa kabilang dako, hiniling ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) sa pamahalaan na huwag pahintulutan ang majority owners ng PAL sa pagpasok muli sa anumang airline industry upang hindi na umano maulit ang naganap sa PAL.

Ito’y matapos lumutang sa mga ulat na posibleng magtayo ng panibaging airlines o magpabago ng pangalan ng airline firm si Tan kapag nagsara na ang PAL.

Sinabi ni Department of Finance Secretary Edgardo Espiritu na malayang makapagpatayo ng kahalintulad na negosyo ang PAL hangga’t di lumalabag sa patakaran at kumpleto sa mga dokumentong kakailanganin sa pangangalakal.

Kaugnay nito, matigas pa rin ang paninindigan ng PAL unions na hindi nararapat na ibasura ng 10 taon ang kanilang Collective BargainingAgreement (CBA) kapalit ng 20% shares ng stock at tatlong posisyon sa board na siyang iniaalok ni Tan.

Air Phils. Sinuspende

Samantala. pinangangambahang tuluyang mapaparalisa ang domestic flights sa bansa dahil na rin sa pagkakasuspende ng Air Transportation Office (ATO) sa Air Philippines sa gitna ng gusot sa PAL.

Nabatid na sinuspende ng ATO ang temporary air carrier operating certificate ng nabanggit na airline company dahil sa paglabag ng huli sa lahat ng safety requirements ng ahensya tulad ng deficiencies in aircraft certification, manuals, technical records at aircraft inspection procedures. (TP/RM/RM/OO/MC)

No comments:

Post a Comment