Home

Saturday, September 19, 1998

Estrada Palpak sa PAL

Diario Uno
Saturday, September 19, 1998
By Imelda Batalla

NABIGO ang pamahalaang masagip ang Philippine Airlines sa pagsasara nito ngayong Setyembre 23.

Sa press briefing kahapon, sinabi ni Finance Secretary Edgardo Espiritu na tiklop na talaga ang PAL.

"Hindi na mababawi ni Lucio Tan ang closure notice ng PAL dahil wala nang mailalarga ang kanyang creditors at investors para mapanatili ang operasyon ng kompanya at matugunan ang hinihingi ng unyon," paliwanag ni Espiritu.

"It's going to be difficult to reopen what has been decided by PALEA (pagtanggi sa agreement ng unyon)," ani Espiritu.

Tungkol ito sa pag-isnab ng PAL Employees’ Association (PALEA) board sa alok ng management na suspendihin ng 10 taon ang Collective Bargaining Agreement kapalit ng 20 porsiyento ng PAL stocks para sa mga manggagawa at puwesto sa board.

Sa pahayag ng Pangulo kahapon, sinabi nitong malinaw ang sinabi ni Tan na malaki ang lugi ng PAL na kahit sinuman ang nasa kanyang katayuan ay posibleng iisa lang ang kanyang gawin—isara ang PAL.

"Ani Tan, madugo ang pagpapatakbo sa PAL at hindi na niya kaya ito. Hindi natin siya masisisi," dagdag pa ng Pangulo.

Umaabot sa P40 milyon ang arawang nalulugi sa PAL sa operasyon nito sapul nang Asian financial crisis at welga ng manggagawa nito noong isang taon at noong Hunyo.

Idineklara ng PAL ang P90.6-bilyon asset nito matapos makabawi sa 22 araw na strike ng mga piloto nitong Hunyo.

Pero nananatili pa rin ang liabilities nito na umaabot sa P85.1 bilyon.

Isa ito sa nag-udyok kay Tan na isara na ang PAL sa Miyerkoles.

Samantala, mga tao ni Felomon “Popoy” LAgman ang itinuturong nagsabotahe sa negosasyon ng mga manggagawa at management ng PAL.

Ayon sa source ng Diario UNO, may miyembro ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) na pinamumunuan ni Lagman na nakaupo sa board ng unyon PAL ang nagsabotahe sa huling alok ni Tan.

Sinabi ng source pinapairal ng mga tauhan ni Lagman ang pagiging militante at hindi ikinokonsedera ang pinansyal na problema ng kompanya.

“Iyong presidente ng unyon ay pumayag na sa alok ni Tan dahil nakikita niyang maganda ang alok. Pero binaligtad ito ng board na hindi man lamang kinonsulta ang mga kasapi ng unyon, “ paliwanag pa ng source.

Mahigit 9,000 empleyado ng PAL ang mawawalan ng trabaho kung hindi masasalba ang kompanya.

Sa Senado, hindi magkasundo ang mga senador kung paano mareresolba ang problema sa PAL.

Iminungkahi ni Senate President Pro Tempore Blas Ople na i-takeover ng gobyerno ang operasyon ng PAL dahil sa pagkaubos ng remedyo upang mapagkasunduan ang management at unyon.

Ayon kay Ople, ang pagtigil ng operasyon ng PAL ay paghinto rin ng serbisyo sa taumbayan, partikular sa mga malalayong lugar ng bansa.

Samantala, tinutulan ni Senate Majority Leader Franklin Drilon ang anumang uri ng paghawak ng gobyerno sa PAL.

Iginiit ni Drilon na isang pagpapakamatay ang pagkuha ng gobyerno sa operasyon ng PAL kahit malaki ang sapi nito sa pamamagitan ng Government Service Insurance System (GSIS), Philippine National Bank, Land Bank of the Philippines at Development Bank of the Philippines.

Ipinaliwanag ng Majority Leader na masyadong malaki ang liabilities o pagkakautang ng PAL sa mga creditor nito tulad ng mga government financial institution na nabanggit.

Sinabi naman ni Sanlakas Party-List Rep. Renato Magtubo na hindi lamang pagwasak sa unyon kundi matinding pagsabotahe sa ekonomya ng bansa ang pasya ni Tan na isara ang PAL.

Kung itutuloy ni Tan ang kanyang plano sa darating na Miyerkoles, magiging mala-impiyemo ang pagdiriwang ng mga empleyado sa ika-52 anibersaryo ng PALEA sa darating na Setyembre 21 dahil sa unti-unting nilulumpo ni Tan ang unyon hanggang sa matuluyan ang kagustuhan nitong ilibing ang PALEA nang buhay.

Kung susuriin ang motibo ni Tan, patuloy pa ni Magtubo, malinaw na isang blackmail ang ginawa ni Tan dahil ang gusto ng management ay wasakin ang unyon sa loob ng 10 taon.

"Ang masama nito ay hindi lamang ang unyon ang gustong lokohin ni Tan kundi maging ang gobyernong Estrada," giit pa ng mambabatas.

Sinabi naman ni PAL Executive Vice President Manolo Aquino na wala nang magagawa ang pamahalaan para iligtas ang PAL kahit magkasundo pa ang unyon dahil malaki na ang pagkalugi ng kompanya.

"Mahirap nang makabangon ang PAL. Kahit kami ayaw naming magsara ang kompanya pero wala tayong magagawa," ani Aquino.

Sinabi niyang ang welga ng mga piloto noong Hunyo at ng PALEA noong Hulyo ang nagpalugi sa PAL

"Mahirap nang makabangon ang PAL. We have lost P30 million a day (at that time)," paliwanag pa ni Aquino.

Dahil sa desisyon ng PAL, pahihintulutan ng Department of Transportation and Communications ang ibang airline companies na punan ang ruta ng domestic at International flights ng PAL..

"Ayon sa PAL management, ang kanilang mga engineer na lang ang matitira upang isaayos at pangalagaan ang mga eroplano.

Ikinalungkot naman ng Flight Attendants and Steward Association of the Philippines (FASAP) ang malupit na desisyon ni Tan na isara ang PAL.

Sinabi ng presidente ng FASAP na si Roberto Anduiza na binaliwala ni Tan ang pagsisikap ng samahan na makipagnegosasyon sa pagsusog sa probisyon ng CBA.

Hangad din ng FASAP na pag-usapan ng PAL management at unyon ang pakikiisa nito sa cost-saving measure ng kompanya. Dagdag na ulat nina Nelson Badilla. Fidel Jimenez, Michael Santos at Teddy Brul

No comments:

Post a Comment