Home

Sunday, September 20, 1998

PAL Union, Dapat bang Kaawaan?

Kabayan
Saturday, September 19, 1998
Salamin
By Dante A. Ang

NAKALULUNGKOT isipin na magsasara na ang Philippine Airlines o PAL. Tumalikod sa usapan ang mga myembro ng unyon ng PAL sa naunang kasunduan nito kay PAL Chairman Lucio Tan.

Sa interbyu sa radyo, sinabi ng isang mataas na opisyal ng unyon na hindi sila makapapayag sa gustong mangyari ni Tan na isawalang-bahala na lamang ang CBA o Contract of Bargaining Agreement na pinirmahan noong nakaraang panahon sa pagitan ng unyon at ng management ng PAL.

Idinagdag pa ng opisyal na ito na hindi pera ang kanilang hinahabol. Ang gusto lamang daw nilang mangyari ay mapanatili ang "security of tenure" o seguridad sa trabaho ng mga employado ng PAL

Makatarungan lamang na pangalagaan ng unyon ang seguridad ng kanilang trabaho.

Tama lang.

Nguni’t dapat din marahil isipin ng unyon na mapawawalang-bisa ang seguridad nila kung patuloy na malulugi ang PAL. Madaling ipaglaban ang seguridad sa trabaho, kung kumikita ang kompanya.

Sa kalagayan ng PAL, hindi naman kaila sa marami na patuloy itong nalulugi. Matagal-tagal na rin naman kung tutuusin.

Anong silbi ng seguridad sa trabaho kung magsasara naman ang kompanya dahil sa pagkalugi nito.

Kung talagang sinsero ang mga myembro ng unyon, kailangan ding pagbigyan nila ang kagustuhan ni Tan. Kung hindi mapagbibigyang lahat, maaari namang magtagpo sila sa kalagitnaan. Hindi maaari na kagustuhan lang ng unyon ang masusunod. Magbigayan sila.

Halimbawa, binibigyan sila ni Tan ng tatlong direktor sa board. Ano naman ang maibibigay ng unyon kay Tan bilang kapalit ng tatlong direktor sa board?

Sa takbo ng mga pangyayari, lumalabas na gusto ng unyon na kagustuhan lang nila ang dapat masunod. One way ticket, wika nga. Kung ganoon, hindi ako magtataka kung umayaw nang tuluyan si Tan.

No comments:

Post a Comment