Home

Wednesday, September 16, 1998

Presidente ng PAL Union Patatalsikin

Diario Uno
Tuesday, September 15, 1998
By Michael Santos and Nelson Badilla

SISIBAKIN ng Executive Board ng Philippine Airlines Employees’ Association (PALEA) ang kanilang presidente na si Alex Barrientos dahil sa pagsuko kay Lucio Tan.

Ayon sa isang source, kokomprontahin ng miyembro ng unyon si Barrientos kaugnay ng nasabing kasunduang hindi sinang-ayunan ng karamihang miyembro ng unyon.

Kahapon din, binatikos ng dalawang malalaking labor organization ang pagbebenta ng pamunuan ng PALEA sa Collective Bargaining Agreement (CBA) nito kay Tan kapalit ang tiyak na trabaho at sapi para sa empleado ng kompanya.

ldiniin ng Kilusang Mayo Uno (KMU) na "klaradong ebidensiya ng pagsuko at pagtraydor" ang napagkasunduan ng grupo ni Tan at ng pangkat ni Barrientos noong Biyemes.

Tungkol ito sa 10 taon moratorium ng CBA kapalit ang 60,000 sapi sa kompanya at tatlong "upuan" para sa unyon sa Board of Directors at siguradong pananatili sa trabaho.

Bukod sa pagiging pangulo ng PALEA, si Barrientos rin ay pangulo ng Katipunan ng mga Pangulo ng Unyon sa Pilipinas (KPUP).

Pati rin ang Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) ay bumanat sa grupo ni Barrientos sa PALEA na nagsabing, "ang kawalan ng CBA sa loob ng 10 taon ay nangangahulugan ng pagsuko ng PALEA sa katayuan nito bilang unyon."

Ang birada ng dalawang dambulahang organisasyon ng mga manggagawa sa bansa ay kasunod ng batikos ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) sa ginawang pagtataksil at pagkakanulo ng pangkat ni Barrientos sa interes at prinsipyo ng 15,000 empleado ng PAL dahil sa nagpasya ang huli nang hindi man lamang kinonsulta ang iba pang opisyal ng unyon lalo na ang mga miyembro nito.

Pero para kay Crispin Beltran ng KMU, ang bentahang naganap ay utos umano ni Lagman.

"Naghugas ng kamay si Lagman na siya namang may kasalanan kaya nagkagulo sa PAL sa pakikipagsabwatan kay Barrientos,” giit ni Beltran.

Pero tinawanan lamang ni Lagman ang pahayag na ito ni Beltran dahil sa kawalan nito ng saysay. "Ano pa ba ang dapat nilang sabihin. Ako agad ang nagsalita sa media at nagsabing sellout ang agreement ni Tan at nina Barrientos...bobo talaga!" diin pa ni Lagman sa Diario UNO.

Bukod kay Lagman, nilatigo rin ni Beltran si Renato Constantitno dahil umano sa ginawa nitong pag-utos kay Barrientos bilang Presidente ng Sanlakas na inanunsiyo sa media na ang PALEA ay hindi kailanman maglulunsad ng protesta." Sa puntong ito ay lumitaw na "nanghuhula" o nag-iimbento lamang ng akusasyon si Beltran dahil sa kawalan nito ng pagbabatayan.

Ani Lagman, matagal nang wala sa Sanlakas si Constantino noon pa mang hindi pa pumuputok ang isyu sa PAL. "Maaari ang ginawa ni Constantino ay sariling inisyatiba niya para kay Pangulong Estrada at walang kinalaman sa Sanlakas," dagdag pa niya.

Gayunman, inakusahan ng KMU ang pinakabagong aksiyon ni Tan laban sa mga manggagawa dahil sa nagawa nitong pagtataksil sa unyon.

Idiniin pa ni Lagman na isang maliwanag na sellout ang ginawa ng pangkat ni Barrientos kay Tan at patuloy na inakusahan niya ang huli bilang matinik na "evil emperor" sa ginawang pagsikil sa karapatan at interes ng 15, 000 PAL workers.

Samantala, sinabi naman ni Gerry Rivera, Bise Presidente ng PALEA, na ibabasura ng lahat ng miyembro ng unyon kapag dumaan na sa kamay nila ang kopya ng kasunduan ni Tan at ng pangkat ni Barrientos.

No comments:

Post a Comment