Home

Friday, September 18, 1998

PALEA Umaksiyon vs Tan

Diario UNO
Thursday, September 17, 1998
By Nelson Badilla

Binaligtad at ibinasura ng pamunuan ng Philippine Airlines Employees’ Association (PALEA) ang kanyang kasunduan ng kanilang pangulong si Alex Barrientos at ni Lucio Tan na pawalang bisa ang Collective Bargaining Agreement (CBA) ng 10 taon dahil sa pagiging illegal nito at pagsupil sa karapatan ng 15,000 manggagawa ng kompanya.

Ibinunyag kahapon ni Filemon “Popoy” Lagman, tagapangulo ng Bukluran ng mga Manggawang Pilipino (BMP), ang desisyon ng mayorya ng 15-miyembrong pamunuan ng PALEA na binalewala at ibininasura ang pagbebenta ni Barrientos sa CBA ng unyon kapalit ang pananatili sa trabaho: 60,000 salapi; at tatlong “upuan” sa board of directors ng PAL sa ngalan ng unyon.

Noong nakaraang Biyernes, nakipagkasundo si Barrientos kay Tan na isususpinde ng pamunuan ng PALEA ang CBA basta titiyaking walang tatanggalin sa trabaho, bibigyan ng 60,000 sapi ng kompanya at magkakaroon ng kinatawan ang mga 15,000 manggagawa sa pagpapaupo ng tatlong taga-PALEA board of directors.

Lumilitaw na isinuko ni Barrientos ang interes ng mga manggawa kay Tan nang walang nagaganap na konsultasyon sa kasapian nito na umabot sa 15,000 miyembro.

Kaagad namang tinuligsa ni Lagman ang kasunduan dahil para sa kanya ay kontra-manggagawa ang kasunduan at malinaw na pagsuko sa kagustuhan ni Tan na gawing baldado ang PALEA sa ”sellout” ni Barrientos.

Ang totoo, tinakot ni Tan ang PALEA na ipapasara na lamang ang dating “flag carrier” ng Pilipinas kung magmamatigas ang mga manggagawa kaya binansagang “evil emperor” ni Lagman si Tan sa ginawa nitong pagtukso sa pangkat ni Barrientos.

Ani Lagman, tagapayo ng PALEA, pinangunahan ni Jerry Rivera, Pangalawang Pangulo ng PALEA, ang paglulunsad ng pulong ng pamunuan ng unyon noong nakaraang Setyembre 15 na ibinasura ang desisyon ni Barrientos.

Sa aksiyong ito, nangangahulugang walang bisa ang kasunduang Tan-Barrientos.

No comments:

Post a Comment