Home

Friday, September 18, 1998

PALEA Yumuko kay Lucio Tan

Diario Uno
Thursday, September 17, 1998
By Michael Santos

Nakipagkasundo ang ilang opisyal ng Philippine Airlines Employees’ Association (PALEA) kay Lucio Tan upang magkaroon ng sampung taong moratorium sa Collective Bargaining Agreement (CBA).

Inihayag din ng source ng Diario UNO na nakatakdang hatulan ngayon ng general assembly ng PALEA ang pinasok na kasunduan ni Alex Barrientos, Presidente ng unyon.

Ayon sa source na ayaw magpabanggit ng pangalan na kokomprontahin ngayon ng general assembly ang desisyon ni Barrientos na makipagkasundo kay Tan hinggil sa sampung taong moratorium.

“Hinahanap pa namin sila. Nagkakagulo ngayon dito simula noong Biyernes ng gabi,” giit ng source.

Sinabi ng source, lumagda si Barrientos sa isang kasunduan upang magkaroon ng 10 taong moratorium sa CBA kapalit ng 60,000 sapi sa kompanya at tatlong upuan sa Board of Directors.

Tiniyak din sa kasunduan na pananatilihin sa trabaho ang miyembro ng PALEA na hindi nalalaman ng general assembly ng naturang unyon.

“Meron kaming narinig na may nakuha sila nang lumagda sila sa kasunduan,” giit ng source.

Idiniin naman ng Kilusang Mayo Uno na malinaw na ebidensya nang pagsuko at pagtatraydor sa mga manggagawa ang kasunduan ng grupo ni Tan at pangkat ni Barrientos noong Biyernes.

Sinabi naman ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) na sumuko ang PALEA sa kapritso ni Tan nang lumagda si Barrientos sa naturang kasunduan.

“Marami kasing nakikialam pero hindi naman sila ang maaapektuhan, salita lamang sila nang salita,” giit ng source patungkol sa pahayag ng KMU at TUCP.

Inihayag pa ng source na illegal ang pinasok ni Barrientos dahil di ipinaalam sa miyembro sa pamamagitan ng general assembly.

“Kung pagtitibayin ng general assembly ng union ang CBA walang problema dahil may isinagawang konsultasyon,” pahayag naman ni Labor Undersecretary for Labor Relation Rosalinda Baldoz.

Ayon kay Baldoz, hindi gagalawin ng PAL management ang sahod at benipisyong nakukuha ng empleyado at epektibo ang alinmang CBA sa loob ng limang taon.

“Maaring gawin ng PAL management ang lahat ng gusto nilang gawin sa manggagawang walang seguridad sa trabaho sa loob ng maraming taon. Tulad ng mga nakatungangang pato ang mga empleyado na naipit sa pagitan ng mga putok,” giit naman ni Florendo Umali, isang opisyal ng Airlines Pilots Association of the Philippines.

No comments:

Post a Comment