Ngayon
September 18, 1998
News
Sinabi kahapon ng negosyanteng si Lucio Tan na isasara na niya ang problemadong Philippine Airlines sa susunod na linggo makaraang mabigo ang negosasyon ng pangasiwaan at unyon ng mga empleyado sa PAL.
Gumagawa naman ng pahabol na pagsisikap si Pangulong Joseph Estrada para mailigtas ang PAL na, kapag nagsara, walong libong tao ang mawawalan ng trabaho.
Sinabi ng PAL sa isang pahayag na, mula sa hatinggabi ng susunod na Miyerkules, magsasara na ang PAL pagkaraan ng 57 taon nitong operasyon.
Sinabi sa pahayag na hindi maiiwasan ang pagsasara ng PAL dahil kailangang mailigtas ang mga ari-arian nito at mabayaran ang malalaking utang ng kumpanya.
Nabatid na umatras sa negosasyon sa pangasiwaan ang PAL Employees' Association noong Martes. Sa naturang negosasyon, magkakaroon ng 20 percent share sa PAL ang mga empleyado pero isususpinde naman sa loob ng 10 taon ang kanilang collective bargaining agreement.
Samantala, tinaggihan ng Malakanyang ang pagpapalabas ng pondo o bailout para mailigtas ang PAL na lubhang problemado sa pananalapi.
Sinabi ni Pangulong Joseph Estrada sa pamamagitan ng tagapagsalita niyang si Jerry Barican na hindi makatwirang gugulin ang buwis ng mamamayan sa iisang kumpanya lang.
Gayunman, ipinahiwatig ng Malakanyang na hindi iwawalambahala ng pamahalaan ang kasasapitan ng PAL dahil nakasalalay dito ang interes ng publiko. (Ely Saludar at AFP).
No comments:
Post a Comment